Ang Dapat Pagtuunan ng Isang Pupian
Sa pagpasok ng taong 2008, marami sa ating mga Pilipino ang nagkaroon ng panibagong pag-asa. Pag-asa na sana ang panibagong taong ito ay magdala ng kasaganaan, kaunlaran at katahimikan sa sambayanang Pilipino.
Pero sa hindi inaasahang pangyayari, hindi naging ganito ang kinahinatnan ng mga bagay-bagay. Nagsimulang tumaas ang presyo ng isa sa pangunahing pangangailangan ng tao, ang bigas. Sinasabi ng gobyerno na ang pagtaas ng presyo nito ay dahil sa nagkakaroon ang Pilipinas ng tinatawag na kakulangan sa suplay ng bigas na hindi naman dati nangyayari sa tinaguriang isa sa pinakamalaking suplayer ng bigas sa Southeast Asia. And dating exporter ng bigas ay naging importer na ngayon ng mga bigas na galing pa sa ibang bansa gaya ng Thailand, Vietnam at Estados Unidos upang maging sapat ang suplay ng bigas sa bansa.
Sumunod namang tumaas ang singil sa kuryente ng isa sa pinakamalaking power distributor ng bansa, ang Meralco. Ang pagkwestyon ng mamamayan sa mataas na presyo nito ang humamon sa liderato ng pamilya Lopez sa pamamahala ng kompanya na umabot pa sa puntong ang presidente ng ibang ahensya ng gobyerno ay tinangkang agawin ang pamumuno ng pamilyang ito ngunit hindi ito naging matagumpay. Ang sitwasyong ito ang nagtulak sa gobyerno na mamahagi ng 500 php subsidiya sa mga mahihirap na kumukonsumo lamang ng 100 kilowatts per hour sa isang buwan. Pero pagkatapos naman ng ilang buwan ay nasolusyunan ang problemang ito na naging dahilan ng pagkakaroon ng bahagyang pagbaba sa singil ng kuryente.
Ikinagulat naman ng lahat ang walang tigil na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo ng mga kompanya ng langis gaya ng Caltex, Petron, Shell at marami pang iba. Sinasabi ng mga kompanyang nabanggit na ang pangunahing dahilan ng kanilang pagtataas ng presyo sa mga produkto nila ay ang mataas na bentahan ng produktong petrolyo sa pandaigdigang pamilihan. Ang suliraning ito ang naging dahilan ng pagkakaroon ng transport strike ng ilang transport groups sa iba’t-ibang bahagi ng bansa. Ang isa pang naging masamang epekto ng suliraning ito ay ang pagtaas ng minimum fare na sinisingil ng pampublikong sasakyan.
Ilan lamang yan sa mga problemang kinakaharap ng bayan ni Juan sa kasalukuyan. Magiging mahirap para kay Juan ang pagharap sa bawat araw lalo na kung ganito ang mga problemang madadatnan niya. Ang bawat isa ay umiisip ng pinakamabisang solusyon upang kahit papaano ay maibsan ang paghihirap na dinaranas niya.
Isa sa mga nakikita kong ginagawa ng mga Pilipino upang makatulong sa krisis na kinakaharap ng Pilipinas ay ang pagsasagawa ng malawakang protesta laban sa gobyerno. Sinisisi ng karamihan sa atin ang lahat ng mga nangyayari ngayon sa namamahala sa atin. Hindi ko naman sila masisi sa kanilang ginagawa dahil alam ko rin sa sarili ko na nahihirapan ako sa sitwasyon ng bansa natin ngayon. Sa tingin ko, hindi na nagagampanan ng ating pamahalaan ang kanilang tungkulin na paglingkuran ang bawat Pilipino sa pamamagitan ng paggawa ng lahat ng kanilang makakaya upang mapigilan ang anumang pagtaas ng presyo ng mga bagay-bagay na mahalaga sa tao.
Sa isang banda, hindi lang natin dapat isisi sa gobyerno ang mga kinakaharap natin ngayon. Unang-una sa lahat, sino ba ang nagluklok sa mga pulitikong nakaupo sa gobyerno ngayon? Hindi ba tayo? Samakatuwid, ang taong-bayan ang naglagay sa kanila sa mga pwesto sa gobyerno sa tuwing ginaganap ang eleksyon kaya hindi lang natin dapat ibuhos ang lahat ng sisi sa kanila. Pangalawa, karamihan sa mga nagproprotesta ay kinokondena ang pagiging corrupt ng mga nakaupo sa gobyerno. Para sa kaalaman ng karamihan, lahat ng uri ng gobyerno mapa-Amerika man yan o mapa-Japan o kahit ano pang bansa yan ay corrupt talaga. Natural na sa isang gobyerno ang pagkakaroon ng corrupt na mga opisyal. Kaya naman hindi nagkakaroon ng pagtuligsa sa gobyerno sa ibang bansa kahit corrupt pa ito ay sa kadahilanang naibibigay pa rin ng mga namamahala sa kanila ang mga serbisyong nararapat sa kinasasakupan nila, yung tipong wala na silang mahihiling pa. Pangatlo, ang ibang problema na kinakaharap natin ngayon gaya ng pagtaas ng presyo ng langis ay hindi lang nangyayari sa ating bansa kundi pati na rin sa iba’t-ibang panig ng mundo. Ito ay pandaigdigang krisis at huwag isipin na tayo lang ang nakakaranas nito.
Ang ikinakabahala ko lang sa mga nangyayari sa bansa natin ngayon ay ang paglahok pati ng mga estudyante sa mga kilos-protesta laban sa gobyerno. Hindi ba dapat nakikita natin silang nag-aaral sa silid-aralan at hindi nakikita sa daan na nakikisali sa kilos-protesta? Ano na lang ang mangyayari sa kanilang kinabukasan kung ganito ang kanilang inaatupag at hindi ang higit na mas mahalaga, ang pag-aaral?
Ilan sa mga aktibong nakikilahok sa bawat protesta laban sa gobyerno ay ang ilang estudyante ng Polytechnic University of the Philippines na kung saan ako nag-aaral. Hindi ko makakaila sa aking sarili na ako ay nakinabang rin naman sa ilang isinagawa nilang protesta. Lubos akong nagpapasalamat sa kanila dahil hindi natuloy ang binalak na dagdag sa tuition noong nakaraang taon dahil sa mahigpit na pagtutol ng mga estudyante. Tanging mga PUPians lang ang nagawang pigilin ang pagtaas ng tuition na hindi nagawa ng ibang estudyanteng nag-aaral sa ibang state universities gaya ng University of the Philippines at EARIST. Pero hindi lang ako sang-ayon sa pakikilahok nila sa mga kilos-protesta na may kinalaman na sa isyu ng gobyerno. Kahit na alam ko na lahat ng mamayang Pilipino ay dapat makialam sa mga isyung ito, sa tingin ko ay kailangan na nating ipaubaya ito sa mga kababayan nating nakapagtapos na ng pag-aaral at yung may malalim na pananaw sa buhay.
Ang kahirapan sa buhay ang pangunahing dahilan kung bakit maraming estudyante ang nakikilahok sa mga kilos-protesta laban sa gobyerno. Pero hindi ba mas maganda na mag-aral na lang ng mabuti kaysa makilahok sa mga ganoong klase ng aktibidad? Kung minsan kasi ay ito pa ang nagiging dahilan ng pagliban nila sa klase na maaaring maging dahilan pa ng pagbasak sa partikular na asignatura. Sa tingin mo ba makakatulong sa isang estudyante ang magkaroon ng bagsak na marka sa kahit anumang asignatura sa kolehiyo? Siyempre hindi. Magiging mailap sa iyo ang opurtunidad na umasenso sa buhay kung ganoon ang makikita ng mga employers sa transcript of records mo. Kung gusto mo talagang makaalis sa putik kung saan ka nakalubog, mag-aral ka ng mabuti. Hindi yung kung anu-ano na lang ang inaatupag mo.
Hindi lang yan ang napapansin ko. Sa tingin ko, ginagawa lang ng ilang estudyanteng excuse ang mga ginagawang pagkilos upang makaliban sila sa klase. Nakikita ko ang ibang nakikilahok sa pagkilos na wari’y nagtatawanan lang habang isinisigaw nila ang kanilang mga hinaing laban sa gobyerno. Tama ba yung nakatawa habang nakikita ang sakit sa lipunan? Napapansin ko rin na masyadong malaki ang nagagastos nila sa paggawa ng mga banners na ginagamit sa pagkilos at yaong nakakabit sa iba’t ibang gusali ng unibersidad. At meron pang ilan sa kanila na naninigarilyo. Mas maganda siguro kung ang lahat ng perang ginagasta nila dito ay iniipon na lang para magamit sa hinaharap gaya ng sa pag-aaral.
Kung talagang hindi na makayanan ang hirap ng buhay at dahil dito ay magdesisyon kang huminto sa pag-aaral, pwede ka namang kumuha ng kahit anong scholarship. Sigurado akong mayroong isang scholarship na nakalaan para sa lahat ng nangangailangang estudyante. Ang kailangan mo lang gawin ay maging karapatdapat sa opurtunidad na ibibigay sa iyo sa pamamagitan ng pagpapanatili ng itinakdang marka ng bawat scholarship. Magiging madali lang iyon kung desidido ka talagang makatapos ng pag-aaral.
Palagi nating tatandaan na ang magandang edukasyon ang magiging sandata ng isang tao upang malampasan niya ang mga pagsubok na darating sa hinaharap. At siyempre sa tulong at gabay ng ating Tagapaglikha, malalampasan natin lahat ito. Hindi naman Niya tayo bibigyan ng mga pagsubok na hindi natin makakayanang lampasan.
Ang lahat ng nakasaad sa artikulong ito ay pawang opinyon lamang. Walang intensyon ang manunulat na siraan ang sino man. Inilahad lang niya ang kung ano ang kanyang nakikita sa kanyang kapaligiran.
Kung talagang hindi na makayanan ang hirap ng buhay at dahil dito ay magdesisyon kang huminto sa pag-aaral, pwede ka namang kumuha ng kahit anong scholarship. Sigurado akong mayroong isang scholarship na nakalaan para sa lahat ng nangangailangang estudyante. Ang kailangan mo lang gawin ay maging karapatdapat sa opurtunidad na ibibigay sa iyo sa pamamagitan ng pagpapanatili ng itinakdang marka ng bawat scholarship. Magiging madali lang iyon kung desidido ka talagang makatapos ng pag-aaral.
Palagi nating tatandaan na ang magandang edukasyon ang magiging sandata ng isang tao upang malampasan niya ang mga pagsubok na darating sa hinaharap. At siyempre sa tulong at gabay ng ating Tagapaglikha, malalampasan natin lahat ito. Hindi naman Niya tayo bibigyan ng mga pagsubok na hindi natin makakayanang lampasan.
Ang lahat ng nakasaad sa artikulong ito ay pawang opinyon lamang. Walang intensyon ang manunulat na siraan ang sino man. Inilahad lang niya ang kung ano ang kanyang nakikita sa kanyang kapaligiran.




No comments:
Post a Comment